Dapat bigyan na ng prangkisa, at ibalik sa himpapawid ang ABS-CBN
*Isang araw, nagbukas ako ng TV. Dahil nakakasawa na ang Youtube, Netflix, atbp., naisipan kong ilipat sa Free TV. Nung nilipat ko sa Free TV, nadismaya ako. Wala na bang magandang palabas sa telebisyon ngayon?*
Noong bata pa ako, naalala ko, sa umaga ay Umagang kay Ganda at Unang Hirit ang magkalaban. Sa hapon naman, Eat Bulaga at Wowowee/It's Showtime ang magkalaban. Sa gabi naman, TV Patrol vs. 24 Oras ang magkalaban tas mga teleserye na sa gabi, then balita ulit where Bandila vs. Saksi ang magkalaban. Sa sobrang tindi ng competition noon, minsan ay nagka-network war pa at nag-away pa sa ratings ang ABS-CBN at GMA-7. Ngayon, parang wala nang ka-effort effort ang mga palabas sa TV dahil wala nang competition. Para bang okay lang kahit hindi pinag-isipan yung palabas, kasi wala na rin namang katapat.
Tapos ang gulo-gulo pa ng sistema ngayon. Nasa GMA-7 yung Showtime pero ABS-CBN yung show. Yung ibang shows, may lumalabas sa A2Z tas meron pang Kapamilya Online Channel. Para bang kapag gusto kong manood ng show ng ABS-CBN ay sasakit pa ang ulo ko kung saang channel ba. Unlike noon, basta ilagay mo sa Channel 2 ang TV, matic yan ABS-CBN ang palabas kaya hindi mo na ililipat pa yung channel magmula umaga hanggang gabi.
Oo, kahit noong may prangkisa pa ang ABS-CBN ay hindi ako mahilig manood ng TV. Pero atleast noon, kapag naisipan kong magbukas ng TV at maghanap ng magandang palabas, may makikita naman ako. Like yung Kadenang Ginto noon ni Rowena Mondragon, isang araw ay na-chempuhan ko lang yun na yun ang palabas, hanggang sa umabot sa point na tinutukan ko na at pinanood araw-araw kasi maganda yung story. Hehehe.
Sabi ng iba, kahit daw ibalik ang ABS-CBN ngayon sa Channel 2 ay mahirap na yun makaka-recover dahil panay online na. Hindi ako naniniwala dun. Ang tingin ko ay kaya maraming lumipat na sa online ay dahil wala na talagang kwenta ang mga palabas ngayon sa TV, simply because walang competition.
Dapat bumalik ang competition sa TV para maging pagandahan ang palabas, at nang bumalik ang interes ng mga tao. Dapat bumalik yung era na pinag-aagawan ng mga networks ang mga artista, at pinapa-pirma pa ng exclusive contract para sa station lang nila lalabas. Dapat bumalik yung era na sa sobrang intense ng competition, ay nag-aaway pa sa ratings ang GMA-7 at ABS-CBN. Dapat bumalik yung era na sa ABS-CBN mo lang makikita sina Boy Abunda, Ted Failon, Julius Babao, Anthony Taberna, Bea Alonzo, Kuya Kim, at iba pa, kaya pilit tinatapatan ng GMA-7. Dapat bumalik yung era na ang mga shows ng ABS-CBN ay sa Channel 2 mo lang makikita, tas mga shows ng GMA-7 lang ang nasa Channel 7, at mga shows ng TV5 naman ang makikita mo lang sa Channel 5.
Para mangyari ang mga yan, dapat bigyan na ng prangkisa ang ABS-CBN, at ibalik sa kanila ang Channel 2.
Nabalitaan ko recently yung efforts ni Gabby Lopez na maisalba ang kumpanyang ABS-CBN. Ang masasabi ko lang ay hindi ako empleyado ng ABS-CBN. Ordinaryong manonood lang din ako, pero isa ako sa mga nagw-wish na sana ay magtagumpay siya sa mga efforts niya.