Nang ika'y unang nasilayan, Ako'y namangha sa iyong kagandahan. Ngunit ako'y nag-alinlangan Sapagkat ako'y isang hamak na lalaki lamang.
Ngunit iyong pinawi ang aking pangamba Nang isambit ng iyong matamis na labi Ang katagang 'mahal din kita'. Naging hudyat iyon ng ating pagmamahalan.
Hindi ka na nawaglit sa puso ko't gunita, Maging sa 'king mga dalangin at panaginip. Bumuo tayo ng napakaraming alaala Na sa tuwina'y napakasarap balik-balikan.
Ngunit ang ating pagmamahalan ay sinubok ng malupit na tadhana. Ika'y nahulog sa napakalalim na pagkatulog Na siyang dahilan ng aking labis na hapis at paninibugho.
Lumipas ang ilang linggo, buwan at taon, Hindi pa rin nagmumulat ang iyong mga mata. Ako'y nasasabik na sa iyong mga ngiti at yapos.
“Mahal gumising ka na. Ipinapangako kong sa sandaling imulat mo ang iyong mga mata, Habang buhay kitang sasambahin, At paliligayahin hanggang sa kahuli-hulihan ng aking hininga."
Isang araw ay tuluyang dininig ng Panginoon ang aking mga dasal. Labis ang aking tuwa at pasasalamat. Sa wakas, mahal, ikaw ay nagbalik na. Ngunit sa sandaling iminulat mo ang iyong mga mata...