Arestado ang 53-anyos na lalaki matapos umanong halayin ng 11 beses ang step granddaughter na tuluyang nabuntis sa Marikina City.
Arestado ang 53-anyos na lalaki matapos umanong halayin ng 11 beses ang step granddaughter na tuluyang nabuntis sa Marikina City.
Ayon sa Marikina Police, 2021 nagsimula ang pananamantala ng akusado sa noo’y 10-anyos na biktima, na umabot hanggang 2025.
Ginagawa umano ito ng step grandfather tuwing nakainom at naaabutang mag-isa sa bahay ng tiyahin ang step granddaughter.
“Yung una pong okasyon, nag-crave po siya ng ice cream. Gusto niyang kumain ng ice cream then itong kanyang stepgrandfather, sige bilhan kita ng ice cream pero may kondisyon, nung una mga hawak-hawak muna. Hanggang sa tumatagal na, gustong maglaro ng bata ng cellphone, in consideration na maibigay yung gusto ng bata ay mayroon ding kapalit. Yun po yung hinahalay nga po siya,” sabi ni Police Colonel Jenny Tecson, Chief of Police ng Marikina City Police Station.
Dahil sa takot ng biktima, August 2025 na noong tuluyang mapag-alaman ng kanyang tiyahin ang panghahalay nang mapansin ang pagbabago sa katawan ng bata.
“Parang may pagbabago na sa katawan ng biktima kaya sabi niya mag PT \[pregnancy test\] siya, binigyan nya ng test kit at yun nga po nag positive ang resulta,” sabi ni PCol. Tecson.
Walong buwang buntis na ang biktima nang tuluyang makapagsampa ng reklamo laban sa kanyang step grandfather.
Noong July 22, 2026, lumabas ang warrant of arrest laban sa akusado at inaresto siya sa Barangay Concepcion Uno nitong July 29.
“Wag po sila mag-atubili na i-report po agad ito sa ating pulisya o sa women’s desk sa kanilang barangay po or sa DSWD personnel. Handang tumulong sila, lalo’t higit ang ating kapulisan. Hindi tayo papayag na itong ating kababayan ay binabastos o hinahalay na lang maging sino diyan maging kaanak nila. Wala po silang karapatan,”
Nahaharap sa mga reklamong 5 counts ng Statutory Rape, 5 counts ng Sexual Assault, at Acts of Lasciviousness ang lalaki na nasa kustodiya na ng Marikina City Police.