Shabu tiangge sa Taguig natunugan ng NBI, bagets na tulak nabitag
Pinaiigting ng National Bureau of Investigation–Dangerous Drugs Division (NBI-DDD) ang operasyon laban sa ilegal na droga sa Taguig City kasunod ng mga ulat tungkol sa umano’y pagdami ng drug dealers at drug dens sa lugar.
Kabilang sa sinusubaybayan ng ahensya ang posibilidad na may 'shabu tiangge' o organisadong bentahan ng ilegal na droga sa ilang bahagi ng lungsod. Sa isinagawang operasyon, isang menor de edad na umano’y sangkot sa drug dealing ang naaresto sa buy-bust operation ng NBI-DDD.
Batay sa paunang imbestigasyon, may dati nang rekord bilang 'child in conflict with the law' ang pangunahing suspek. Nahaharap ito ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay NBI Director Atty. Melvin A. Matibag, patuloy silang tumatanggap ng impormasyon tungkol sa aktibidad ng ilegal na droga sa Taguig. Aniya, hindi dapat maging kampante ang ahensya at patuloy nitong tutugisin ang mga sangkot, mula sa street-level dealers hanggang sa mas malalaking drug networks.
“We will follow the evidence wherever it leads,” pahayag ni Matibag, habang binigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng imbestigasyon upang matukoy ang pinagmumulan ng ilegal na droga at iba pang posibleng kasabwat.
Patuloy ding mino-monitor ng NBI-DDD ang mga ulat hinggil sa mga hinihinalang drug den at posibleng operasyon ng “shabu tiangge” sa lugar. Isinasailalim naman sa mas malalim na imbestigasyon ang naturang network upang matukoy ang iba pang nasa likod ng operasyon.
Giit ni Matibag, hindi lamang pag-aresto at pagkumpiska ng ilegal na droga ang layunin ng kampanya ng NBI, kundi ang pagprotekta sa mga komunidad at pamilya laban sa masamang epekto ng pagkalat ng ilegal na droga. #pinoy #news #philippines #ph